Babala: Maaring walang kasilbi-silbi itong blog entry na ito. Pasintabi sa magbabasa, kung meroon man.
Sa mga taong nakakakilala sa akin, alam nila na hindi ako mabarong na tao. Ang mga barong na naisusuot ko ay yung mga polo-barong ko noong nag-aaral pa ako ng abogasya. Ang tanging barong ko ay isa lang: ito ay hindi binili sa isang tindahan. Hindi sya Onesimus. Pinasadya siya. Binili ang tela, pinili ang mga butones. Wala itong kapares sa mundo. Maayos siya at mabibilang ng daliri ko sa isang kamay kung ilang beses lamang siya nagamit.
Ngayong gabi, mag-isa ako sa bahay. May handaang pinuntahan yung mga kasambahay ko. Hindi ako sumunod doon kasi mukha akong basurang hulas na hulas kasi galing ako sa gym. Pagdating ko sa bahay, nagpapalit ako ng damit nang narinig ko ang isang mahinang tawag mula sa labas ng bahay namin. Kapitbahay namin iyon, si Ka Shirley, yung anak nya, ninong ang tatay ko. Nung lumabas ako, magiliw kong binati ang ina ng inaanak ng tatay ko. Yun pala, kamamatay lang ng anak nya, wala pang isang oras ang nakakalipas. Susme. Ang ganda pa ng bati ko. Mali, maling-mali.
Sinamaang palad at wala ang mga taong hinahanap ng ina. Sinabi nya ang pakay nya. Mamalimos sana sya ng barong sa magulang ko para sa labi ng anak nya. Nasktan naman ako. Pinapasok ko sya sa bahay at tinawagan ko magulang ko. Ang nakayarian, Nilabas ko ang lahat ng barong na nasa tukador namin, kabilang ang tanging barong ko. Bilin ng ina ko, papiliin na raw ang kawawang ale.
Maaring dahil halos kasing edad ko o kasing tangkad yung anak nya, kaya naman yung barong ko, sa lahat ng napagpilian niya, ang napili nya. Humingi ako ng tawad na hindi pa naplaplantsa yung barong ko, mula ng huling gamit ko. Hinaplos ni Ka Shirley sa mga kamay nya ang barong na gagamitin ng anak nya. Sa huling pagkakataon. Ako rin nagpaalam sa barong na iyon. Kung tutuusin, iyon din ang pinakamagandang barong sa mga pinagpilian niya. Sa totoo lang, at ngayon ko lang naisip, maganda pala yung barong na iyon.
Wala naman akong panghihinayang sa pagbibigay ng barong ko. Yung totoo lang. Kasi kung iisipin mo, aanhin ko naman yun. Maaring sabihin ng iba, eh ibabaon lang naman sa lupa yung barong, para anupa’t yung maayos pa yung binigay. Ang sa akin lang, hindi ko malubos maisip na may taong aktwal na mamamalimos ng barong. Wala silang mapaghugutan ng barong. Napaisip ako na mapalad pala talaga ako, ikaw… tayo. Oo, kahit ikaw, na nakakabasa nito. Kasi nakakatiyak ako na kung ako ay pumanaw ngayon, oo nga’t naipamigay ko yung huling barong ko, mayroon naman akong Amerikana na maisusuot.
Hindi ko lang malubos maisip na mayroong taong kailangang mamalimos ng barong. Ang sakit sa dibdib. Kung iisipin mo, sa gaanong panahon ng trahedya, dapat inaabot na lang sayo lahat, parang pang-intindi ng mundo. Pero hindi, hihikahos ka talaga. Hindi lamang paso ang memorial plan, kahit yung isusuot nang anak mo, kailangan mo pang idaos. Pambihira. Ang saklap.